Inanunsiyo ng Department of Budget and Management na mayroong nakalaang mahigit P3. 7 bilyon mula sa gobyerno para sa mga indigent college student upang masuportahan ang kanilang pangangailangan sa pagtatapos ng kanilang mga kinuhang kurso.
Sinabi ni Secretary Amenah F. Pangandaman, tinatayang nasa humigit kumulang na 247, 135 student guarantees ang makikinabang sa ilalim ng Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education o CHED.
Dagdag pa ng kalihim, malaking tulong ang nasabing programa sa mga estudyante lalo na sa mga nawawalan ng pag-asa na makatuntong ng kolehiyo dahil kulang sa pinansiyal o hindi ma-afford ang matrikula sa kolehiyo.
Aniya, sa pamamagitan nito ay mabibigyan sila ng pagkakataon na makapagpatuloy ng pag-aaral upang mabigyan ng magandang kinabukasan dahil ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dapat ay walang Pilipinong maiiwan.
Una rito, inaprubahan ng kalihim ang release ng special allotment release order noong April 15, 2024. Dito ay mabebenepisyuhan ang mga naka-enroll sa ilalim ng CHED sa mga kilalang public at private higher education institutions para matulungan sila sa mga gastusin para sa second semester ng AY 2023-2024 at first semester ng AY 2024-2025.
Ang programang Tulong Dunong Program ay bahagi ng Universal Access to Quality Tertiary Education- Tertiary Education Subsidy ng CHED.
Samantala, naglaan din ang pamahalaan ng P27.2 billion para sa Free Higher Education program para sagutin ang tuition at iba pang school fees ng mga scholar sa state universities and colleges at CHED-recognized local universities and colleges.

