Tumaas ng 34,142 ang kaso ng mga nakagat ng mga alagang aso at pusa sa lalawigan ng Nueva Ecija mula buwan ng Enero hanggang Setyembre ng 2023 kung saan sampo ang naitalang death case kumpara sa 27,172 na kaso nang buong taon ng 2022.
Matapos ang araw ng pagpasok ng bagong taon ay agad namang nagbalik operasyon ang Animal Bite Treatment Center sa ELJ Memorial Hospital kung saan dumagsa ang daan-daang mga Novo Ecijano mula sa iba’t ibang bayan.
Ayon kay Provincial Rabies Program Coordinator Ma. Teresa Mendoza ng Provincial Health Office, isa sa maaaring dahilan kung bakit tumaas ang kaso ay dahil tila naisasantabi ng mamamayan ang pagiging responsible pet owner.
Sinabi nitong hindi masama ang mag-alaga ng mga aso at pusa, ngunit sana ay hindi rin aniya maisaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang pamilya lalo na ng kanilang mga anak dahil karamihan sa kaso ay mga bata, kung saan walong buwang baby ang pinakabata.
Payo ni Mendoza, maliit o malaking sugat ay huwag balewalain, hugasan ng 10-15 minuto ang sugat at kaagad na magpakonsulta at magpabakuna upang mabigyan ng proteksyon.
Nararapat din aniya na bigyan ng maayos na tirahan o tulugan ang mga alagang hayop, pakainin ngunit huwag ng panis na pagkain, linisan at pabakunahan upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na rabies.
Binigyang diin din nito na hindi nirerekomenda ang pagpapatawak mas mainam pa rin aniya ang magpabakuna ng libre sa saan man sa labing isang Animal Bite Treatment Center sa lalawigan.
Nagpasalamat naman si Mendoza kay Governor Aurelio Umali dahil sa suporta nito upang madagdagan ang mga ABTC sa lalawigan para masiguro ang kaligtasan ng mga Novo Ecijanong nakakagat ng aso at pusa.

