MAHIGIT 400 SCHOLARS, MAKIKINABANG SA INILAANG HALOS P1-B PONDO NG DBM SA PROGRAMANG “DOKTOR PARA SA BAYAN”
Naglaan ang Department of Budget and Management o DBM ng kabuuang P997.71 milyon para palakasin ang programang “Doktor Para sa Bayan” sa ilalim ng Fiscal Year 2026 National Expenditure Program (NEP) bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na madagdagan ang mga doktor sa mga lugar na kulang sa serbisyong medikal.
Ang anunsiyo ay ibinahagi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa isang media briefing sa Kuala Lumpur, Malaysia, kasabay ng pagdalo ng Pangulo sa 47th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits.
Sinabi ni Castro, ang naturang pondo ay gagamitin para sa Medical Scholarship and Return Service o MSRS Program ng Commission on Higher Education o CHED at Pre-Service Scholarship Program o PSSP ng Department of Health upang suportahan ang mga iskolar na nagnanais maglingkod sa mga pampublikong ospital at malalayong komunidad.
Mula sa kabuuang halaga, P909.99 milyon ang nakalaan para sa MSRS Program ng CHED, habang P87.71 milyon naman ang ilalaan para sa PSSP ng DOH.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah F. Pangandaman na ang programang ito ay bahagi ng patuloy na pagtutok ng administrasyong Marcos sa kalusugan at edukasyon.
Ang MSRS Program ay alinsunod sa Republic Act No. 11509 o “Doktor Para sa Bayan Act”, na nagbibigay ng libreng edukasyon at tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong estudyanteng nagnanais maging doktor, kapalit ng kanilang paglilingkod sa mga komunidad na may kakulangan sa mga manggagamot.
Mula sa P500 milyon na alokasyon noong 2024, tumaas ito sa P909.99 milyon dahil sa paglawak ng Doctor of Medicine programs sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa.
Noong Oktubre 7, 2025, nagpalabas din ang DBM ng karagdagang P179.977 milyon upang tugunan ang pangangailangan ng programa ngayong taon, na inaasahang makatutulong sa 2,242 scholars sa buong bansa.
Samantala, para sa 2026, P87.71 milyon naman ang inilaan sa PSSP ng DOH na magbibigay ng suporta sa 245 medical scholars, 122 medical technology scholars, at 104 pharmacy scholars.
Sa kabuuan, mahigit 400 scholars ang makikinabang sa programang ito bilang bahagi ng patuloy na layunin ng pamahalaan na mapalakas ang sistemang pangkalusugan at maitaguyod ang mas maraming doktor para sa sambayanang Pilipino.

