MAHIGIT PHP11K NA SWELDO, NATANGGAP NG 120 ESTUDYANTE SA NUEVA ECIJA
Muling nagpamahagi ng sweldo ang Provincial Treasury Office sa mga estudyanteng benepisyaryo ng Special Program for Employment of Students (SPES) sa Provincial Capitol Auditorium, Cabanatuan City.
Umabot sa 120 Novo Ecijanong estudyante ang nakatanggap ng tig – P11,371 na kanilang sweldo mula sa 20 araw na employment sa mga iniatas sa kanilang office works sa PESO, DOLE at iba pang government offices, community services sa mga barangay, PESO services- related surveys at ang iba ay sa ELJ Memorial Hospital.
Ang SPES ay isang employment assistance service program ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio Matias Umali at Vice Governor Anthony Umali katuwang ang Provincial Public Employment Service Office (PESO) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Layunin ng programa na tulungan ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na mga mag-aaral at out-of-school youth na ituloy ang kanilang edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kita mula sa dalawampung araw na pagtatrabaho.
Para kay Mark Glenier Medina na nag-aaral sa NEUST sa kursong Engineering, napakalaking tulong nito para sa kanyang pag-aaral at sa kanyang pamilya lalo na ito na ang kanyang pangatlong beses na napasama sa SPES na kanyang ipinagpapasalamat.
Pambayad naman ng tuition at gamit sa school gagamitin ni Ronalyn Mangoba ang nakuhang sweldo kanyang pag-aaral sa M.V. Gallego Foundation College.
Experience naman ang pinaka magandang benepisyo na nakamit ni Mark Lui Apan ng NEUST sa pagtatrabaho niya sa ELJ Memorial Hospital.

