MAKABAGBAG DAMDAMING MULING PAGKIKITA NG FUR PARENT AT ALAGANG ASO, PINUSUAN NG NETIZENS

Umantig sa puso at pinusuan ng mga netizen ang video ng muling pagkikita ng fur dad at ng kanyang alagang aso na si “Pia” sa isang airport sa Lapu-lapu City, Cebu, nitong Disyembre.

Sa video na mapapanood sa Tiktok ni Shayb Sultan ay makikita na ilang segundong tumitig ang aso sa kanyang fur dad bago niya ito makilala dahil siyam na buwan silang hindi nagkita nito dahil sa kanyang trabaho.

Tuwang-tuwang lumapit ang Maltese-Shih Tzu habang ikinakaway nito ang kanyang buntot nang muli niyang marinig ang boses ng kanyang fur parent.

Kinailangan daw umalis ng bansa ng OFW na si Shayb para magtrabaho bilang auditor sa Europe noong Marso at bumalik ngayong Disyembre para magbakasyon.

Inakala umano niyang nakalimutan na siya ng kanyang alagang aso dahil sa siyam na buwan na hindi nila pagkikita kaya naman maituturing daw talagang pinakaloyal o tapat na nilalang sa mundo ang mga aso kabilang na si “Pia”.

Sinabi din nito na mahirap para sa kanya ang iwan si “Pia” ngunit wala siyang magagawa dahil kailangan niyang magtrabaho bilang siya ang breadwinner ng kanyang pamilya.

Ito ang unang pagkakataon na nagkawalay ng ganito katagal ang dalawa kaya nang makita niya ang reaksyon ng kanyang alaga ay masasabi niyang “life is worth living”.