MAKATARUNGANG PRESYO NG BASANG PALAY, HATID NG KAPITOLYO SA MGA MAGSASAKA

Patuloy na bumibili ng sariwang palay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa mga lokal na magsasaka sa ilalim ng Palay Price Support Program at sa pamamagitan Provincial Food Council (PFC).

Layunin ng programa na bilhin ang ani ng mga magsasaka sa mas mataas na presyo kumpara sa mga pribadong trader, na umaabot sa ₱15 kada kilo depende sa kalidad ng palay.

Ayon sa mga magsasaka na benepisyaryo ng programa, malaking tulong ito sa kanila dahil nabayaran sila ng makatarungang presyo para sa kanilang ani. Ilan lang sa mga magsasakang ito sina Jessa Fernandez, Anel Gatdula, at Federico Sinense na nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa kapitolyo.

Ibinahagi nila na ang mga magsasakang gaya nila ay karaniwang may mataas na gastos sa pagtatanim ng palay, na umaabot sa ₱30,000 hanggang ₱40,000 kada ektarya. Kung wala umano ang programa ng kapitolyo, mapipilitan silang ibenta ang kanilang ani sa mababang presyo sa mga pribadong trader.

Ang programang pamimili ng palay ng pamahalaang panlalawigan ay inisyatiba ni Governor Aurelio Umali upang matulungan ang mga magsasaka sa panahong mababa o bagsak ang presyo ng kanilang ani.

Kaya ang mga benepisyaryo ng programa ay umaasang gagayahin ng mga lokal na pamahalaan ang programa upang makatulong sa lahat ng mga magsasaka sa bansa.