Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na pagkilala ng kanyang administrasyon sa kahalagahan ng media at malayang pamamahayag para sa demokrasya sa Pilipinas.

Sinabi ito ng Pangulo sa naganap na panunumpa ng mga bagong opisyal ng Association of Philippine Journalists-Samahang Plaridel Foundation Inc. sa MalacaƱang.

Aniya, mahalaga ang malayang pamamahayag dahil nagbibigay ito ng kaalaman sa publiko tungkol sa mahahalagang balita at kaganapan, at nakakatulong din ito sa pagkilala ng mga matagumpay na gawain ng mga opisyal, gayundin ang kani-kanilang pagkukulang sa sinumpaang tungkulin.

Dahil dito, ay tiniyak ng Pangulo ang suporta sa media sa pamamagitan ng pagbibigay ng seguridad at proteksyon sa kanilang trabaho sa pamamagitan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).

Kabilang dito ang paglikha ng Media Safety Vanguards (MSV), pagkakaroon ng 24/7 hotline number, at pagbibigay ng legal na suporta.

Sa isang naunang pahayag ngayong taon, sinabi ni Pangulong Marcos sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) 50th Anniversary Presidential Forum na ang pangunahing papel ng pamamahayag ay hindi upang palakpakan ang mga namumuno, kundi upang panagutin sila sa mga katiwalian, at pagbibigay lamang ng papuri sa mga nararapat.