MANIBELA, PISTON NAGSAGAWA NG DALAWANG ARAW NA TIGIL PASADA, LTFRB MULING BINUKSAN ANG CONSOLIDATION SA MGA PUV

Nagsagawa ang mga transport group na PISTON at MANIBELA ng dalawang araw na tigil pasada sa buong bansa noong Lunes at Martes (Setyembre 23 at 24).

Ayon sa grupo, patuloy ang ginagawang panggigipit umano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang confirmation para makapagrehistro.

Hiling din ng grupo sa LTFRB na maibalik ang 5-taon na validity ng kanilang prangkisa, payagan sila na makapag rehistro ang lahat ng mga operator, at mapakinggan ng Marcos administrasyon ang kanilang kahilingan

80% to 90% na lahat ng mga miyembro nila sa buong bansa ang lumahok sa nasabing tigil pasada kung saan dumarami na ang mga miyembro nila na kontra sa pag-phaseout sa mga traditional jeep at sa isinusulong ng gobyerno na modernization program.

Nagbigay ng panibagong pagkakataon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga drayber at operator ng mga pampasaherong sasakyan na hindi pa nakakasama sa franchise consolidation.

Muling binuksan ng ahensiya ang proseso ng franchise consolidation matapos na maglabas ng resolusyon si LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na nagbibigay ng pahintulot sa mga unconsolidated public utility vehicle (PUV) para mag-aplay sa consolidation.

Sa ilalim ng bagong resolusyon, nilinaw ni Guadiz na habang hindi nakakapagbuo ng bagong kooperatiba ang mga PUV, maaari silang sumali sa mga umiiral na kooperatiba.

Ang desisyong ito ay kasunod ng isang pulong sa pagitan ng LTFRB at ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kung saan nagkasundo silang muling buksan ang proseso ng consolidation.