MAS MAAGANG ORAS, WORK FROM HOME, INEREKOMENDA NG DOLE LABAN SA SOBRANG INIT NG PANAHON

Inirekomenda ni Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma sa mga employers na magpatupad ng flexible working arrangements sa gitna ng tumataas na temperatura sa bansa.

Sinabi ni DOLE Secretary Laguesma, dapat tinitingnan ng mga employer ang lugar na pinagtatrabahuan ng kanilang empleyado tulad ng ventilation system at tiyakin na may libreng tubig upang maiwasan ang dehydration.

Kabilang sa mga rekomendasyon ng DOLE ang working hour adjustment, partikular para sa mga manggagawang exposed sa direktang sikat ng araw gaya ng mga nasa construction industry.

Iminungkahi naman ni DOLE Bureau of Working Conditions Director Alvin Curada ang mas maagang oras ng trabaho mula alas sais hanggang alas onse ng umaga, at mag re-resume ng alas dos hanggang alas singko o alas sais ng hapon upang maiwasan ang matinding init sa pagitan ng alas onse hanggang alas dose.

Binigyang-diin din ni Laguesma na dapat ikonsidera ang flexible work options, kabilang ang work-from-home setups, para sa mga empleyadong hindi kinakailangan ang pisikal na presensya sa workplace.

Tiniyak pa ng kalihim na ang flexible work arrangement ay pinapayagan ng ahensiya basta hindi ito makakaapekto sa operasyon ng isang kompanya.

Patuloy naman ang panawagan ng DOLE sa mga employer na gawing prayoridad ang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa lalo na sa panahon ng tag-init.

Binalaan din nito ang mga employer na mayroong karampatang kaparusahan kung sila ay lalabag sa pagka-expose sa panganib ng kanilang mga manggagawa.