MAS MABILIS NA PAGTUKOY SA PAGDATING NG BAGYO, HATID NG DOPPLER RADAR STATION SA BATAAN
Mas mapapabuti at mapapabilis na umano ang pagtukoy ng ulan, hangin, at bagyo sa bagong itatayong Bataan Doppler Radar Station sa Bataan Peninsula State University (BPSU).
Ang Doppler radar ay mas advanced kaysa sa normal radar, dahil bukod sa pagtukoy ng lakas at lokasyon ng ulan, kaya rin nitong ma-detect ang precipitation, rotation ng thunderstorm clouds, airborne tornado debris, at wind strength at direction nito.
Dahil dito, mas nagiging eksakto ang weather forecasting at mas napapaaga ang babala sa bagyo at pagbaha.
Ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando, malaking tulong ito para sa mga lokal na pamahalaan upang agad na makapagpatupad ng disaster preparedness.
Pinondohan ang proyekto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at gagawin sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology (DOST), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), at BPSU.
Sa nilagdaang Memorandum of Agreement, nakasaad na target na matapos ang proyekto sa loob ng isa’t kalahating taon.
Kapag natapos, PAGASA ang mangangasiwa at magpapatakbo ng pasilidad.

