Inilahad ng National Irrigation Administration (NIA) na inaasahan nilang makumpleto ang 20 medium-term projects at tatlo hanggang limang long-term projects sa loob ng termino ng administrasyong Marcos Jr.
Ito ay alinsunod sa nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na matapos ang pagtatayo ng ilang dam sa taong 2028.
Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, inaasahan ng Pangulo na matatapos sa 2028 ang ilang malalaking dam projects, tulad ng Tumauini Dam sa Isabela, at iba pang dam sa Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Habang itatayo naman sa Visayas ang Jalaur Dam at iba pang proyekto sa Panay River basin.
Mayroon din aniyang isinasaayos sa Mindanao, partikular na sa may Pulangi River, Antung Dam at Lower Malitubog o MALMAR II na umaabot sa 12,000 hectares.
Kaugnay sa pagpapatayo ng mas malalaking dams na nasa 100 meters ang taas, sinabi ni Guillen na ang istraktura nito ay makakatulong sa flood control, patubig at power generation.
Paliwanag ni Guillen, sa kasalukuyan ay nakakaranas ang bansa ng problema sa tubig, dahil karamihan sa mga dams ay itinayo 50 years ang nakalilipas, noong panahon ng dating presidente na si Ferdinand E. Marcos Sr.
Kaya naman layunin umano ni Pangulong Marcos na magtayo ng matataas na dam upang masolusyunan ang ilan sa mga problema sa tubig lalo na sa panahon ng El Niño.

