MASS RESIGNATION SA HANAY NG PHILIPPINE ARMY, FAKE NEWS UMANO!

Tinawag na fake news ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumakalat sa social media ang umano’y ‘mass resignation’ sa hanay ng Philippine Army bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong ipaaresto ng International Criminal Court (ICC) upang litisin sa ‘crimes against humanity’.

Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, wala silang natanggap na report na may nagre-resign na mga sundalo, dahil ang Philippine Army aniya ay professional organization kaya naka focus ang kanilang mga tauhan sa kanilang mandato.

Nanatili umano ang mataas na moral ng kasundaluhan at hindi nakikisawsaw sa gulo sa pulitika.

Iginiit niyang hindi na kailangan pa ng loyalty check sa kanilang hanay na mahigit 100,000 ang kabuuang puwersa.

Inihayag naman ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na hindi beripikado ang social media post na maraming sundalo ang magbibitiw sa tungkulin kaya hindi ito dapat basta na lamang paniwalaan.