MATANDANG AMA NA INABANDONA UMANO NG MGA ANAK, KAMUSTA NA NGAYON?

Naging usap-usapan muli sa social media ang kwento ni Tatay Rene Banaag, ang matandang lalaki mula Barangay Bantug, Bulalo, Cabanatuan City na inabandona umano ng kanyang mga anak.

Ito’y matapos na i-post ng Pinoy Health Tips ang kanyang larawan at kalagayan na unang ipinost ni Jenny Rose Ventura noong 2020.

Mabilis kumalat ang balita dahil iniwan umano siya ng kanyang mga anak at namuhay mag-isa sa isang barong-barong sa bakanteng lote.

Dahil dito ay nagpunta ang Balitang Unang Sigaw sa Barangay Bantug, Bulalo.

Ayon sa tatlong workers ng barangay, noong kasagsagan ng pandemya ay nakaabot sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kwento ni Tatay Rene.

Kaya agad umaksiyon ang ahensiya at ibinalik si Tatay Rene sa pangangalaga ng kaniyang mga anak.

Natunton din ng Balitang Unang Sigaw si Nanay Rita Banaag, na nagpakilalang bayaw ni Tatay Rene. Ayon sa kanya, sila ang kumupkop kay Tatay Rene matapos itong talikuran ng kanyang mga anak.

Kuwento pa ni Nanay Rita, matapos matulungan ng DSWD at maalagaan ng mga kaanak, nabalitaan na lamang nila na pumanaw si Tatay Rene dahil sa katandaan at matagal nang iniindang karamdaman.

Sa hiwalay na panayam kay Rosalie Ventura, ina ni Jenny Rose Ventura, sinabi niyang matagal na raw may hidwaan si Tatay Rene at ang kanyang mga anak, at posibleng nag-ugat ito sa mga pagkukulang umano ng matanda noong bata pa ang mga ito.