Kasabay ng paggunita sa World Press Freedom Day ay nagkaroon ng kilos-protesta ang grupo ng Makabayan Bloc, Bayan Muna Party-List, at Kalikasan People’s Network for the Environment bilang suporta sa apat na aktibistang naghain ng counter-affidavits sa Nueva Ecija Prosecutors Office sa Cabanatuan City kontra sa akusasyon ng AFP.

Nakilala ang mga ito na sina Nathaniel Santiago, Bayan Muna Secretary; Rosario Brenda Gonzales, ASCENT Convener; Anasusa San Gabriel, lay worker Bulacan Ecumenical Forum; at Servillano Luna Jr, Anakpawis Campaign Director.

Kasama sa mga inireklamo sina Lee Sudario at Norman Ortiz na iniulat na nawawala simula September 29, 2023, at pinaniniwalaang dinukot.

Sinampahan sila ng Murder, Attempted Murder, Anti-Terrorism of 2020, at paglabag sa Philippine International Humanitarian Law ng 84th IB, 7th ID ng Philippine Army, na nakabase sa Carranglan, Nueva Ecija.

Nagmula umano ang mga kaso sa encounter na naganap noong October 8, 2023, sa Brgy. San Fernando, Laur, Nueva Ecija, sa pagitan ng mga sundalo at mga miyembro ng “Kilusang Larangan Gerilya-Sierra Madre”.

Sa salaysay ng mga sundalo, inihayag na nakilala nila ang dalawampong indibidwal na sangkot sa bakbakan dahil sa mga larawan ng miyembro ng kilusan na nag-ooperate sa lugar, na ipinakita sa kanila bago ang engkwentro.

Ayon sa Bayan Muna, bago pa man ang mga kaso na ito, ang mga miyembro at opisyal ng kanilang grupo ay patuloy na nakararanas ng matinding panggigipit, red-tagging, at pag-aakusa sa kanila bilang mga terorista.

Ang mga panggigipit, at pang-uusig na ito ay nagdudulot anila ng banta sa kaligtasan ng mga aktibista at mga miyembro ng oposisyon sa pulitika.

Kaya nananawagan sila sa administrasyon ni Pangulong Marcos na agad na ibasura ang mga kaso at tanggalin ang sistema ng red-tagging at paglalabel na terorista na ipinatutupad ng NTF ELCAC.