MGA ALAGANG HAYOP NG MAGSASAKA SA BONGABON, BIDA SA KARERAHAN
Agaw pansin sa bayan ng Bongabon, Nueva Ecija ang kakaibang hilig ng magsasakang si August Ronquillo, ito ay ang pag-aalaga at pagsasanay ng mga hayop para sa iba’t-ibang tricks at karera.
Bida sa kanyang mga alaga si Fil-Am, isang puting kalabaw, at si James, isang maliksing unggoy na itinuturing niyang parang anak.
Ayon sa naging panayam ng programang ‘Kaagapay ng Bayan’ ng TV Patrol kay August, bata pa lamang siya ay mahilig na siya sa mga hayop, at mahigit sampung taon na aniya siyang nagsasanay ng mga ito.
Una umano niyang naturuang mag-tricks ang kanyang aso, na kalaunan ay pumanaw na, at kahit wala na ito, ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang hilig.
Sa kasalukuyan, si Fil-Am ay anim na taong gulang na, habang si James naman ay mag-aapat na taong gulang.
Kamakailan, sina Fil-Am at James ay naging panauhin sa karera ng mga kalabaw sa Barangay Larcon, Bongabon noong Abril, na kinaaliwan naman ng mga manonood dahil nagsilbi bilang hinete ni Fil-Am si James.
Pahayag ni August, gusto lang niyang magpasaya ng mga tao sa karerahan, bagay na suportado rin ng kanyang pamilya.
Sa ngayon ay hindi na lang kalabaw at unggoy ang sinasanay ni August, kundi pati ang uwak, at mga manok na panabong ay tinuturuan na rin niya ng mga tricks.

