MGA BABOY, BABAKUNAHAN KONTRA ASF
Inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na ilulunsad na ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) sa susunod na linggo, matapos umanong mag-donate ang supplier ng 2,000 doses na nakatakdang dumating ngayong Biyernes.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, ang pagbabakuna ay layuning mapigilan ang pagkalat ng ASF sa ilang mga apektadong bayan sa Batangas at maiwasan ang mas malawak na pagkalat nito.
Sa kasalukuyan ay walong bayan na sa Batangas ang nagdeklara ng state of emergency, kabilang ang Lobo, Lian, Calatagan, Rosario, Lipa, Talisay, San Juan, at Tuy.
Dahil dito, ay tiniyak ni Laurel sa publiko na ginagawa ng DA ang lahat upang makontrol ang pagkalat ng sakit, at isa sa kanilang hakbang ay ang paglalagay ng checkpoint o inspections sa mga apektadong lugar.
Kasabay nito, ay pinapalakas din aniya ng DA ang mga laboratoryo at pananaliksik sa bansa upang makagawa ng lokal na bakuna laban sa ASF na maaaring mapakinabangan sa hinaharap.
Dagdag pa ni Laurel, may indemnification program din para sa mga apektadong sektor ng baboy, tulad ng P4,000 para sa maliliit na baboy, P8,000 naman para sa medium, at P12,000 naman para sa malalaking baboy.

