MGA BAGONG GRADUATE NA DOCTOR, ISANG TAONG MAGSE-SERBISYO SA MGA OSPITAL NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Nagkasundo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at ng Department of Health – Central Luzon Center for Health Development (DOH-CLCHD) para sa implementasyon ng Post-Residency Deployment Program (PRDP).
Layunin ng naturang programa na mag-deploy ng mga bagong graduate na doktor mula sa iba’t ibang residency training programs upang makatulong sa pagpapatibay ng serbisyo medikal sa mga district hospitals ng lalawigan, partikular sa:
- Eduardo L. Joson Memorial Hospital (ELJMH)
- San Jose City General Hospital
- Gapan District Hospital
Sa sesyon, ipinaliwanag ni Dr. Augusto Abeleda, Chief of Hospital ng ELJ Memorial Hospital, na ang PRDP ay isang taong programa kung saan ang mga bagong graduate na doktor—mga espesyalista sa larangan ng pediatrics, obstetrics and gynecology, surgery, at anesthesiology—ay ide-deploy sa mga pampublikong ospital ng probinsya upang magbigay ng direktang serbisyong medikal sa mga pasyente.
Aniya, sasagutin ng DOH ang mga sweldo ng mga espesyalistang doctor.
Sa kasalukuyan ani Abeleda ay magroon nang nakadeploy sa ELJ Memorial Hospital na siyam na mga Doktor, dalawang pediatrician, dalawang OB, dalawang surgeon, at tatlong anesthesiologist.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang programang ito sa pagpapalakas ng mga serbisyo sa pampublikong ospital dahil ang mga doktor ay pinahihintulutang tumanggap at gamutin ang mga pasyente nang direkta.
Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mas mapapalakas ang kapasidad ng mga district hospitals sa ilalim ng pamahalaang panlalawigan para tugunan ang pangangailangang medikal ng mga Novo Ecijano.

