Naglabas ng pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa pagdeklara ng Group of Seven (G7) ng suporta sa rule of law at isang rules-based maritime order, bilang pagsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Ang G7 ay isang intergovernmental organization na binubuo ng mga bansang Canada, France, Germany, Italy, Japan, United Kingdom, at United States.
Ayon sa DFA, nakatuon ang Pilipinas sa UNCLOS at sa Arbitral Award na naipanalo ng bansa noong 2016 laban sa walang basehan at malawak na historical territorial claims ng China sa South China Sea.
Ang pag-respeto umano sa international law lalo na sa mga kinikilalang maritime entitlements ng mga coastal states sa South China Sea, at ang freedom of navigation na tinatamasa ng international community ay mahalaga sa pagtiyak ng global prosperity, peace at stability hindi lamang sa Indo-Pacific region kundi ang marami pang mga bansa.
Ikinatuwa rin ng Pilipinas ang suporta ng G7 sa pagtanggi sa walang basehan na pang-aangkin ng China.
Nanawagan din ang G7 sa China na itigil na ang mga illegal na aktibidad tulad ng paggamit ng coast guard at maritime militia sa South China Sea na nagsasagawa ng dangerous maneuvers at paggamit ng water cannons sa mga Philippine vessels.
Tiniyak ng DFA na kaisa ng G7 ang Pilipinas sa pagkakaroon ng isang matatag at ligtas na Indo-Pacific region, at nanindigan laban sa anumang aksyon na sumisira sa international security and stability.

