MGA BENEPISYARYO NG PAMIMILI NG PALAY NG KAPITOLYO, NAGKAROON NG PAG-ASANG MAGPATULOY SA PAGSASAKA

Patuloy ang pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa mga suliraning kinakaharap ng mga magsasaka sa lalawigan sa pamamagitan ng Palay Price Support Program na pinagaganap ng Provincial Food Council (PFC).

Noong October 13, 2025, tinatayang animnapung (60) magsasaka mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ang nabigyan ng pagkakataong maibenta ang kanilang ani ng palay sa presyong makatarungan, malayo sa presyong iniaalok ng mga pribadong trader na karaniwang mas mababa.

Isa sa mga benepisyaryo ng programa si Tatay Arsenio Gaspar ng Barangay Liwayway, Santa Rosa, na nakapagbenta ng 124 kaban ng palay mula sa kanyang 2 ektaryang sakahan. Ayon sa kanya, malaking tulong ang pagbili ng kapitolyo sa mas mataas na presyo lalo’t utang ang kanyang ginamit na puhunan. Aminado rin si Tatay Arsenio na minsan na niyang naisipang tumigil sa pagsasaka. Ngunit sa tulong ng programa ng kapitolyo, muling nabigyan ng pag-asa ang kanyang kabuhayan.

Samantala, si Kuya Luis Gansong mula sa Sto. Cristo Sur, Gapan City ay nakapagbenta naman ng 210 kaban ng palay at muling nabuhayan ng loob na ipagpatuloy ang pagsasaka. Aniya, malaking bagay itong programa sa kanilang mga magsasaka.

Nagpahayag rin ng saloobin si Delfin Nagpalo Jr., na mula naman sa bayan ng Cuyapo, at isa rin sya sa mga nasagip ng kapitolyo mula sa di-makatarungang presyo ng palay. Aniya, 1.5 ektaryang lupain lamqng ang kanyang sinasaka. At, ayon sa kanya, kahit ilang pisong dagdag sa presyo, malaking tulong na. Nabanggit rin ni Delfin, na sana ay ipagpatuloy ng kapitolyo ang ganitong inisyatiba.