MGA DISTRICT HOSPITAL NG NUEVA ECIJA, PAPAYAGAN NANG MAGSALIN NG DUGO SA MGA PASYENTE

Papayagan na ang mga District Hospitals na pinamamahalaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija na magkaroon ng transfusion o pagsasalin ng dugo sa kanilang mga pasyente.

Ito ay matapos na pukpukan sa 37th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda bilang kinatawan ng Provincial Government sa isang kasunduan sa pagitan ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (PJGMRMC) para sa implementasyon ng Republic Act 7719 o National Blood Services Act of 1994 para makapagtatag ng National Blood Transfusion Network.

Layunin nito na mapagbuti ang pagsusulong sa sapat at ligtas na supply ng dugo.

Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josefina Garcia, nakasaad sa Memorandum of Agreement na magiging storage partner ng probinsya at mga District Hospitals ang PJG, kung saan dito ilalagak ang lahat ng mga dugong malilikom ng mga ospital mula sa kanilang Mobile Blood Donation Program.

Sa pamamagitan nito ay mas mapapadali na aniya ang paghahanap ng dugo kung sakaling kailanganin ito ng mga pasyente ng bawat ospital.