MGA ESTUDYANTE SA NUEVA ECIJA, MAS PURSIGIDONG MAKATAPAGTAPOS NG PAG-AARAL DAHIL SA EDUCATIONAL ASSISTANCE NG KAPITOLYO

Mas pursigido umano ang mga estudyante sa Nueva Ecija na ipagpatuloy at tapusin ang kanilang pag-aaral sa tulong ng Educational Financial Assistance Program ng Pamahalaang Panlalawigan.

Noong Setyembre 20, 2025, nasa 400 mag-aaral mula sa Cabanatuan City ang nakatanggap ng tig-₱2,500 na stipend para sa second semester ng academic year 2024–2025, na ginanap sa Old Capitol Building, na pinangunahan ng Provincial Treasurer’s Office (PTO) at Provincial Affairs & Monitoring Office (PAMO).

Para kay Hanna, 4th year student ng NEUST, ang stipend ay hindi lamang nakakatulong sa kanyang mga proyekto sa paaralan kundi pati na rin sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.

Si Emerson Hizon ng Valde Fuente, Cabanatuan, na nag-aaral din sa naturang eskwelahan, ay nagsabing ang stipend ay nakakatulong upang mabayaran ang kanyang mga projects at pamasahe sa pagpasok sa paaralan..

Ganito rin ang saloobin ni Xian mula Barangay Barrera, 3rd year student ng Wesleyan University, na ginamit ang stipend bilang dagdag sa allowance at pambayad sa tuition fee.

Samantala, si Jennilyn Raguindin mula Valle Cruz, estudyante ng ELJ Memorial College, ay nagsabing nabawasan ang pasanin at alalahanin ng kanyang pamilya dahil sa stipend na kanyang ginamit para sa aklat at iba pang requirements sa school.

Pasasalamat ang ipinaabot ng mga mag-aaral kay Governor Aurelio Umali dahil sa tulong pinansyal na patuloy umanong kaagapay nila para sa unti-unting pag-abot sa kanilang mga pangarap sa buhay.

Inaasahan naman na 700 estudyante ang makatatanggap ng stipend sa susunod na batch ng distribusyon na nakatakda sa Oktubre 4, 2025.

Sa pamamagitan ng programang ito, naniniwala ang Pamahalaang Panlalawigan na mas marami pang kabataang Novo Ecijano ang magkakaroon ng pag-asa na maabot ang kanilang mga pangarap at maitaguyod ang kanilang mga pamilya sa hinaharap.