Hindi inalintana ng mga guro mula sa Zambales ang bahang kanilang susuungin mapuntahan lamang ang kanilang mga estudyanteng Ayta sa kabilang ibayo para maturuan.
Pagbabahagi ng gurong si Jezrell Doble mula sa Brgy. Juan, Botolan, Zambales, dahil sa lahar bunsod ng pagputok ng bulkang Pinatubo ay palaging umaahon ang tubig ng ilog tuwing tag-ulan.
Para mabagtas ang daan patungo sa kanilang eskwelahan ay umaabot ng apat na oras ang kanilang pagsakay sa kariton ng kalabaw makatawid lamang at mapuntahan ang Poonbato Integrated School sa Sitio Boenlawak Poonbato kasama ang kapwa niya mga guro para makapagturo.
Aniya maihahalintulad daw sa lakas ng kalabaw ang lakas at tatag nilang mga guro sa tuwing tatawirin ang baha para makapagbigay kaalaman sa mga Ayta.
Tuwing araw ng linggo ang byahe nina Sir Jezrell papunta sa paaralan at tuwing Biyernes naman sila nakakauwi.
Ito ang sakripisyong ginagawa ni Jezrell para sa kanyang Grade 5 advisory class na mayroong labing isang estudyante na kagaya niyang Ayta.
Malalim na pagtanggap sa layunin na magkaroon ng positibong epekto sa buhay ng kanilang mga mag-aaral ang nagbibigay aniya ng motibasyon at inspirasyon para sa kanilang ginagawang sakripisyo at dedikasyon.

