MGA KABATAAN SA BAYAN NG BONGABON, MAY IMBENSIYON PARA MAKATULONG SA MGA MAGSISIBUYAS
Isang makabagong imbensyon ang nilikha ng pitong mag-aaral mula sa Grade 10-Science, Technology, and Engineering (STE) ng Bongabon National High School upang matulungan ang mga magsasaka ng sibuyas sa kanilang bayan.
Tinawag nila itong ‘SpectraGuard,’ isang device na may kakayahang suriin ang kalidad ng sibuyas gamit ang ‘SparkFun Triad Spectroscopy Sensor,’ na gumagamit ng iba’t-ibang waves sa spectrum upang malaman kung sariwa pa ba o pabulok na ang laman ng sibuyas.
Ayon kay John Ruzzel C. De Leon, lider ng grupo, layunin nilang bigyang-solusyon ang problema sa pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa improper storage at kulang sa monitoring ng kalidad ng sibuyas.
Sa pamamagitan ng naturang device, mas malalaman ng mga magsasaka kung pwede pa bang iimbak ang kanilang produkto o kailangan na itong ibenta agad.
Ang kanilang device ay binuo mula Setyembre hanggang Nobyembre noong nakaraang taon, at nakatulong nila ang IT expert na si Jermaine Germino mula sa Creant Asia, partner ng paaralan sa research and innovation.
Hindi pa ito available sa merkado, ngunit ayon sa grupo, plano nilang gawing mas compact at handy ang SpectraGuard.
Sa kabila ng simpleng layuning makatulong sa kanilang komunidad, nagwagi ang SpectraGuard sa Division Science and Technology Fair 2025, habang third placer sa Regional level, at first grand awardee sa National Science and Engineering Fair 2025.
Ang bayan ng Bongabon ay kilala bilang Onion Capital of the Philippines, kaya ayon sa research adviser na si Estanislao Sareno Jr., malaking tulong ang makabagong teknolohiyang ito sa pag-unlad ng industriya ng sibuyas sa lalawigan, lalo na’t buo rin ang suporta ng Kapitolyo na palawakin ito upang magamit din sa iba pang gulay.
Dagdag pa niya, tinutulungan din sila ng Kapitolyo upang mairehistro at ma-trade ang SpectraGuard, nang sa gayon ay hindi magamit o makuha ng iba ang kanilang orihinal na ideya.

