MGA KALABAW SA TALAVERA, NUEVA ECIJA, NAGPAGALINGAN SA “PASYONG KALABAW” 2025

Ipinamalas ng mga magsasaka at kanilang mga alagang kalabaw ang galing at ganda ng mga hayop sa isinagawang “Pasyong Kalabaw / Gandang Kalabaw 2025” noong Miyerkules, May 14, 2025, sa bayan ng Talavera.

Bahagi ito ng selebrasyon ng Linggo ng Magsasaka, isang taunang programa na layong ipagdiwang ang kontribusyon ng mga magsasaka sa lokal na ekonomiya at kultura.

Isa sa mga tampok na aktibidad ay ang paligsahan ng mga kalabaw sa iba’t ibang kategorya, kabilang ang:

  • Pagalingan sa paglalakad nang nakaluhod
  • May pinakamahabang buntot
  • Pinakamatabang kalabaw (native at mestiso)
  • May pinakamahabang sungay
  • Pinakamatangkad na kalabaw

Naging makulay ang parada kung saan sakay ng mga alagang kalabaw ang kanilang mga among magsasaka, habang rumampa sa harap ng mga tagapanood at hurado.

Pinangunahan ni Rev. Father Leo Bulunan ang pagbabasbas sa mga kalabaw, bilang simbolo ng pasasalamat sa kanilang serbisyo sa agrikultura.

Dinaluhan din ang programa nina Mayor JR Santos, Vice Mayor Nerivi Santos-Martinez, at iba pang mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Talavera.

Ang mga nagwagi sa bawat kategorya ay ginawaran ng mga papremyo.

Ang “Pasyong Kalabaw” ay isang makabagong tradisyon na ipinanganak sa gitna ng kulturang agrikultural ng Nueva Ecija—kilala bilang rice granary of the Philippines.

Ang kalabaw ay matagal nang simbolo ng kasipagan ng mga magsasaka.

Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, muling binibigyang-pugay ang kanilang kahalagahan at nakikitang oportunidad ito para sa mas masiglang pakikilahok ng komunidad.