Matapos ang apat na buwan na paghihintay ng pamilya ni Michael Antonio, isang OFW Bartender sa Saudi Arabia ay maayos nang nailibing ang kanyang mga labi makaraan siyang bawian ng buhay sanhi heart attack.

Kwento ni Melody, asawa ni Michael, nagbabalak pa umano na magbakasyon dito sa Pilipinas ngayong Abril para sana masilayan ang kanilang pangalawang anak na isinilang noong nakaraang Oktubre 2023, ngunit biglaan nga itong sumakabilang buhay noong December 16, 2023.

Nakapag-usap pa nga raw sila ng kabiyak bago nangyari ang hindi inaasahang trahedya.

Natagalan ang proseso sa pag-uwi ng bangkay ni Michael kaya lumapit na si Melody sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali kaya sa pamamagitan ng OFW Help Desk ay napabilis ito.

Matatandaan na ang tanggapang ito ay itinatag ni Former Governor Cherry Umali noong taong 2016 na layuning matulungan ang mga Novo Ecijano na nagtatrabaho at may problema abroad gayundin ang mga nasawi at mga distressed OFW.

Sa kabila ng pagdadalamhati, lubos ang pasasalamat ng naiwanang pamilya ni Michael Antonio sa mabilisang aksyon ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija kaya naiuwi ang mga labi nito, at sa maayos nitong burol.