MGA LIBO-LIBONG PERANG NAWALA MULA SA USERS, IBINALIK NA NG GCASH

Naibalik na ng mobile payments service na GCash ang mga libo-libong nawalang pera sa e-wallet ng kanilang users matapos nilang matukoy ang mga naapektuhan nitong nakaraang Sabado.

Sinabi ng GCash, ang pagkawala ng pera sa account ng ilang customer ay bunga umano ng error sa isinagawang “system reconciliation process”.

Nilinaw ng kompanya na ang nasabing insidente ay isolated lamang sa ilang users.

Siniguro rin ng GCash na lahat ng accounts ng kanilang mga customer ay ligtas at una sa kanilang prayoridad ang account security ng mga ito.

Nananatili umanong dedikado ang kompanya sa pagbibigay ng maaasahan at ligtas na financial services at nangakong pagbubutihin ang sariling sistema para hindi na maulit pa ang pagkakaroon ng process errors.

Patuloy namang nakikipagtulungan ang GCash sa mga awtoridad at mga ahensiya upang maimbestigahan ang naturang mga insidente.

Inabisuhan din ng kompanya ang mga user na i-report ang kahina-hinalang mga mensahe o mga scam na kanilang mararanasan sa GCash help center at hotline ng kompanya na 2882.