MGA LOKAL NA PAMAHALAAN, HINIKAYAT NI PANGULONG MARCOS NA BUMILI NG PALAY PARA MAGKAROON NG MURANG BIGAS
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) at Department of Budget and Management (DBM) na palawakin ang P29 Rice-for-All Program upang mas maraming Pilipino ang makabili ng abot-kayang bigas.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagtiyak ng sapat na suplay ng bigas sa bansa, kaya hinikayat niya ang mga LGU na bumili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng palay buying schemes, na layong suportahan ang produksyon at maibsan ang kakulangan ng bigas sa merkado.
Sa kasalukuyan ay limitado ang operasyon ng P29 Rice-for-All Program dahil sa kakaunting supply ng bigas sa mga Kadiwa ng Pangulo outlets.
Sa nakalipas na 13 linggo, nakapagbenta ang P29 Rice Program ng kabuuang 704,126 kilo ng bigas sa mga Kadiwa centers na nakatulong sa 140,827 na pamilya, at nagdulot ng P20.42 million na kita para sa mga kooperatiba ng magsasaka at mangingisda.
Sa naganap na pulong ni Pangulong Marcos kasama ang mga opisyal ng DA at National Irrigation Administration (NIA), ay hiniling ng mga opisyal na gamitin ang P5 billion na pondo ng P29 Program upang ayusin at palakasin ang mga pasilidad ng gobyerno at mga warehouse na maaaring gamitin para sa mga Kadiwa centers.

