MGA MAGLALABAS NG PEKENG AI IMAGES AT INVESTMENT SCAMS, PANANAGUTIN NG SENADO
Isinusulong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Senate Bill No. 782 o Physical Identity Protection Act na layong parusahan ang maling paggamit ng artificial intelligence o AI para magpakalat ng maling impormasyon, manira ng reputasyon, at magpalaganap ng pekeng investment schemes.
Sa ilalim ng panukala, magiging kriminal ang paggawa, paglikha, pagpapakalat, o paggamit ng pisikal na anyo ng isang tao sa anumang media nang walang pahintulot.
Maaaring makulong ang lalabag mula isa hanggang 12 taon at pagmultahin ng P200,000 hanggang P1 milyon, depende sa bigat ng ginawa.
Mas mabigat ang parusa kung gagamitin ang AI-generated content para sa pandaraya o krimen.
Kapag opisyal o empleyado ng gobyerno ang lumabag, haharap sila sa habambuhay na pagbabawal sa paghawak ng posisyon sa pamahalaan.
May exemptions ang panukala para sa lehitimong paggamit ng AI, gaya ng sa paggawa ng balita, dokumentaryo, pananaliksik, at iba pang gawaing may kinalaman sa interes ng publiko.
Samantala, maraming netizen ang sumuporta sa panukala, na itinuturi nilang napapanahon at mahalaga upang labanan ang pekeng identity at AI videos na nakasisira ng reputasyon, habang nananawagan din ng mas mahigpit na control ng paggamit ng AI upang maiwasan ang paninira ng puri.

