MGA MAGSASAKA, BAWI LANG UMANO SA PUHUNAN AT MAY KAUNTING KITA SA PRESYO NG PALAY NA PHP15-PHP16.00
Pumapatak ngayon ang presyo ng palay sa Php12.50 sa lalawigan ng Leyte; Php14.00 sa Bicol; Php15.00-Php16.00 kada kilo sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija at Php16.00 sa Camarines Norte na ayon sa ilang magsasaka ay break-even o balik puhunan lang ito, hindi lugi at may kaunting kita.
Pero March 20, 2025, nagviral sa social media ang post ni Argel Joseph Cabatbat na dating representative ng Magsasaka Partylist, kung saan sinabi nitong bumagsak sa Php14.00-Php15.00 ang presyo ng palay sa bayan ng Guimba at sumadsad pa sa Php11.00 sa ibang mga lugar, kaya naman mayroon umanong nagpakamatay na magsasaka dahil dito.
Sanhi nito ay naglunsad ng rally noong March 22, 2025 sa Guimba Bypass Road si Cabatbat, na tumatakbong kongresista ng first district, kasama si senatorial candidate Col. Ariel Querubin, at mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng unang distrito ng Nueva Ecija, na nanawagan sa gobyerno na pakinggan ang kanilang hinaing na itaas ang presyo ng palay.
Sinisisi ng mga magsasakang nagrally ang Rice Tariffication Law sa pagbagsak ng presyo ng palay at pagpasok ng mga imported na bigas, kung saan mga kinatawan ng Nueva Ecija ang co-author nito sa kongreso na sina Congresswoman Rosanna ‘Ria’ Vergara ng 3rd District, dating Congresswoman Magnolia Antonino-Nadres ng 4th District, former Congresswoman Micaela ‘Mikki’ Violago ng 2nd District at dating Congresswoman Estrelita ‘Ging’ Suansing na ina ng katunggali ni Cabatbat sa pagkakongresista na si Mikaela Angela ‘Mika’ Suansing.
Bilang tugon, March 25, 2025, hiniling ng Department of Agriculture sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang naturang pahayag sa social media na sinasabing hindi bababa sa tatlong magsasaka sa Nueva Ecija ang nagpakamatay dahil sa patuloy na pagbulusok ng halaga ng lokal na aning palay.
Resulta ng imbestigasyon ng NBI, walang nagpakamatay na magsasaka sa bayan ng Talavera.
Napag-alaman naman na ang dahilan ng pagpapatiwakal ng dalawang manggagawang bukid sa Guimba noong March 12 at 18, 2025, ay hindi dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay.
Ang isa na taga Barangay Lennec ay mayroon umanong sakit kaya ginusto na nitong tapusin ang kanyang buhay habang ang isa naman na taga Barangay Faigal ay dahil sa personal na problema.

