MGA MAGSASAKA SA LICAB NUEVA ECIJA, SINISISI ANG FLOOD CONTROL PROJECTS SA KANILANG PAGKALUGI

Sa kabila ng milyun-milyong pondong inilaan para sa mga flood control project sa bayan ng Licab, Nueva Ecija, patuloy pa ring nagdurusa ang mga magsasaka at mga residente sa baha tuwing malakas ang ulan.

Base sa Sumbong sa Pangulo website, pangatlo ang Licab sa buong lalawigan na may pinakamalaking pondo para sa flood control projects noong taong 2022 hanggang 2025, na umabot sa higit P760 milion.

Ilan sa mga barangay na apektado ng pagbaha ay ang San Jose, Sta. Maria, at San Cristobal.

Matatandaan na gumuho ang dike sa Barangay San Jose noong 2024 nang manalasa ang Bagyong Pepito dahil sa rumaragasang tubig mula sa Talavera River.

Bagaman pinalitan ang dike, hindi lahat ay nasemento. Kaya kapag tag-ulan at may bagyo umaapaw o napipigtas ang dike na hindi sementado.

Resulta nito, nalulubog sa tubig baha ang mga pananim ng mga magsasaka na sanhi umano ng kanilang pagkalugi.

Kwento ni Narciso, tuwing may banta ng malakas na ulan, sila na mismong mga magsasaka at mga residente ang nagbabantay at nagtutulungan na tabunan ang dike para hindi tuluyang masira at malunod ang kanilang mga tanim na palay at gulay.

Batay sa accomplishment report ni Nueva Ecija 1st District Representative Mika Suansing para sa taong 2022 hanggang 2025, natapos na ang rehabilitasyon ng dike sa Barangay San Jose papuntang Sta. Maria.

Ngunit ang naturang dike ang problema ng mga magsasaka at residente. Kaya panawagan nila ay ma-semento ito nang buo upang maiwasan ang panibagong pagkasira na makaaapekto sa kanilang kabuhayan.

Sa Barangay San Cristobal, inirereklamo naman ng mga residente ang putol at mababang flood control project sa Labong River na nagkakahalaga ng P24,254,959.80.

Mas mataas kasi ng dalawang metro ang riprap sa kabilang bahagi ng ilog sa Barangay Villarosa kumpara sa bahagi ng San Cristobal.

Ito ang nakikitang dahilan ng mga residente kaya madalas silang lubog sa baha, lalo na kapag umaapaw ang tubig mula sa ilog.

Imbes na makatulong ang mga nasabing proyekto na makontrol ang pagbaha sa bayan ng Licab ang mga ito pa ngayon ang nagiging dahilan ng pagbaha. Kaya ang tanong ngayon, sulit ba ang ibinabayad nating buwis na ginamit sa pampagawa ng mga nasabing flood control o nasayang lang?