MGA MAGSASAKA SA NUEVA ECIJA, NASAGIP NG KAPITOLYO MULA SA PHP7.00-PHP11.00 NA PRESYO NG TRADERS SA PALAY

Muli na namang bumagsak ang presyo ng palay sa lalawigan ng Nueva Ecija, kung saan umabot umano sa P7.00 hanggang P10.00 kada kilo ang bentahan sa ilang lugar.

Dahil dito, patuloy na bumibili ng sariwang palay sa mga magsasaka ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Food Council (PFC) sa ilalim ng Palay Price Support Program sa makatarungang presyo na P15.00 kada kilo.

Isa sa mga benepisyaryo ng programa si Tatay Romeo Villareal Jr. mula sa Barangay Linglaya, Muñoz na inalok ng napakababang halaga ng mga traders.

Kung minsan aniya ay tinatanggihan pa ang kanilang ani dahil lamang sa kondisyon ng palay sanhi ng pag-uulan.

Pasalamat ni tatay Romeo na dahil sa maayos na presyo ng kapitolyo, hindi lamang sila nakabawi sa puhunan, kundi kumita pa.

Nakaginhawa rin si Pablo Antonio mula sa Barangay Nagmisaan, Cuyapo nang bilhin ng PFC sa halagang P15.00 kada kilo ang 62 sako na kanyang inani mula sa isang ektarya niyang lupain.

Kung sa private trader umano siya nakapagbenta ay nasa P10.50 hanggang P11.00 kada kilo lamang nabili ang kanyang palay na hindi sapat para makabawi sa gastos.

Gayundin, si Aaron Javier mula sa Barangay Tabuating, San Leonardo na inalok lamang ng P7.00 ng mga trader, ngunit sa PFC ay naibenta niya ito sa P15.00 kada kilo.