MGA MAGSASAKANG NASALANTA NG KALAMIDAD, NABIGYAN NG PAG-ASA SA BIGAS NA TULONG NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Sa gitna ng pagkadismaya at kalungkutan ng mga magsasaka dahil sa pagkalugi bunsod ng mababang presyo at pagkabulok ng kanilang mga inaning palay, muling nabuhayan ng pag-asa ang ilan matapos makatanggap ng ayudang bigas mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon sa mga magsasaka ng Barangay Faigal at Santa Ana sa bayan ng Guimba, halos maiyak na lamang sila sa tindi ng pagkalugi ngayong anihan.
Ayon kay Adelia Rubang ng Barangay Faigal, mula sa dating 160 kaban bawat ektarya, bumaba ito sa 50 kaban, habang ang presyo ng palay ay bumagsak sa ₱9 hanggang ₱10 kada kilo. Sa kabila nito, labis pa rin ang kanyang pasasalamat sa tulong na bigas mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Ganito rin ang sitwasyon sa iba pang magsasaka sa Barangay Faigal, ayon kay Jose Garry Santiago, konsehal ng barangay, halos nabulok na ang mga palay ng kanilang mga kabarangay dahil sa patuloy na pag-ulan at kakulangan ng mamimili, may ilan man na nagpakuno o nagpagiling ng palay para maging bigas ay hindi rin naman daw halos nila makain.
Sa Barangay Santa Ana naman, ilang residente ang halos wala nang maisaing bago dumating ang bigas mula sa kapitolyo. Ayon sa kanila, kung lugi na ang mga magsasaka, mas lalo namang walang maipambili ng bigas ang mga umaasa lamang sa porsyentuhan at wala namang sariling sinasaka.
Para naman kay Valentina Graganza, malaking biyaya ang ayudang bigas dahil hindi sila makapagbilad ng inaning palay dulot ng halos walang tigil na ulan, habang si Rodrigo Valdez ay nagsabing marami sa kanilang ani ang hindi na ipinakuno at pinakain na lamang sa mga hayop dahil sa pagkabulok at pag-itim ng palay.
Sa kabilang dako, sa Barangay Maybubon, binigyang-diin ni Barangay Captain Jaime Pioquinto na malaking ginhawa ang libreng bigas sa kanyang mga kabarangay lalo na ngayong sobrang baba ng presyo ng palay.

