Nagbigay ng mga permanenteng trabaho ang Office of the Governor ng Nueva Ecija sa mga empleyado ng Provincial Food Council (PFC).

Sa pamamagitan ng PFC ay bumibili ang kapitolyo ng sariwang palay mula sa mga lokal na magsasaka at ipinamamahagi bilang ayuda noong panahon ng gawat at pandemya.

Ayon kay Governor Aurelio Umali, sa loob ng apat na taong ginagawa ito ng kapitolyo ay nabayaran na ang loan sa mga bangko na ginamit na puhunan, nakapagpatayo ng dalawang rice mill at nakapagbigay pa ng trabaho sa mga Novo Ecijanos.

Paliwanag ng Provincial Human Resource and Management Office, ang mga bagong permanenteng posisyon na binuksan sa ilalim ng PFC ay nasa humigit kumulang tatlumpo.

Kabilang aniya ang administrative positions, habang ang mga classifiers at checkers ay dati nang mga regular employees na inilipat para magsilbi sa Provincial Food Council.

Dahil sa mga truck na ginagamit sa pamimili ng palay at pamamahagi ng bigas, karamihan sa binuksang permanenteng posisyon ang para sa mga driver.

Pero hindi lahat ay kayang gawing regular employees kaya naglaan din ng contractual position ang kapitolyo para sa ibang mga tauhan.

Sa kabuuan, ay nasa 200 katao na ang mga manggagawa ng Provincial Food Council ng Nueva Ecija, at labis ang kanilang pasasalamat dahil malaking tulong sa kanila ang kabuhayan na ipinagkaloob ng kapitolyo.