Isa sa inisyatibo ng Senado ngayong 2024 ay ang pagsusumite ng panukalang nagmumungkahi ng “Four-Tranche Salary Hike” para sa mga pribadong manggagawa at empleyado ng gobyerno.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Salary Standardization Law of 2019, kung saan ang fourth at final tranche ay dapat nagka bisa simula noong January 1, 2024.
Binigyang-diin ng tagapagtaguyod ng Senate Bill No. 2504 na si Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na mahalaga ang pagsisiyasat sa sahod ng mga manggagawang Pilipino upang mapanatili ang tapat na serbisyo sa gobyerno at maiwasan din ang anumang korapsyon o katiwalian.
Kaugnay ng naturang panukala, ay magsasagawa ang Department of Budget and Management (DBM) ng four-tranche payment hike schedule na magsisimula ng January 1, 2024 at magpapatuloy taun-taon hanggang 2027.
Kasama si Budget Secretary Amenah F. Pangandaman, naglaan ang pamahalaan ng budget na nasa humigit-kumulang P17 billion para sa pagsasaayos ng suweldo ng mga public servant sa mga darating pang taon.
Ang inilaan na budget ay may kinalaman sa ipinangakong compensation ng pamahalaan, gayundin ang panghikayat sa mga bihasang indibidwal sa pagseserbisyo sa gobyerno, at pagpapahusay ng kalidad ng kanilang trabaho.
Samantala, ayon sa resulta ng survey na isinagawa ng global professional services firm na Mercer, ang mga kumpanya sa Pilipinas ay nakikitang magpapatupad ng 6.2% increase sa median salary ng kanilang mga empleyado ngayong taon, upang makatulong sa kinakaharap na inflation ng bansa.
Batay din sa resulta ng Total Remuneration Survey 2023, ang mga empleyado sa Pilipinas ay makakaasa ng median salary increment na 6.2%, na mas mataas sa anim na porsyento noong nakaraang taon.

