MGA MANLALARONG SAN JOSEÑO, UMAARANGKADA SA CLRAA!
Patuloy na nagliliyab ang mga manlalarong Novo Ecijano sa nagaganap na Central Luzon Regional Athletic Association Meet 2025.
Nakasungkit ng silver medal ang mga Junior Arnisador na mga manlalaro mula sa Schools Division Office – San Jose City. Si Johann Keizer Basa para sa Anyo Individual Double Weapon (Elementary Boys Category), at si Samara Keisha Laureta naman para sa Anyo Individual Single Weapon sa Elementary Girls Category.
Samantala, patuloy naman ang pagratsada ng mga Grain Giants Tekongs o mga manlalaro ng Sepak Takraw sa CLRAA 2025 matapos walisin sa isang dominanteng panalo, 3-0, ang mga manlalaro ng Baliwag City. Binoldyak rin ng Tekongs ang Balanga City sa isang 2-1-win para sa isang malinis na 2-0 record sa palarong panrehiyon.
Ang ilan pa sa mga tampok na isports ay ang Track and Field, Basketball, Volleyball, Baseball, Archery, Weightlifting, Athletics, at marami pang iba. Dinaluhan ito ng mga delegado mula sa iba’t ibang Schools Division Office sa buong Rehiyon III. Sa Nueva Ecija, mayroong limang SDO – SDO San Jose City, SDO Science City of Muñoz, SDO Cabanatuan City, SDO Gapan, at SDO Nueva Ecija. Nagpaabot rin ng suporta si Dr. Anthony Umali, bise Gobernador ng Nueva Ecija, para sa mga manlalarong Novo Ecijano.
Ang CLRAA 2025 ay sinimulan noong April 23, 2025 sa Jose V. Yap Sports and Recreational Complex sa San Jose, Tarlac.

