MGA NA-SCAM SA CRYPTO, DOLLAR INVESTMENT, PALALA NANG PALALA; CICC, NAGBABALA SA PUBLIKO
Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa publiko tungkol sa pagtaas ng mga investment scams sa bansa partikular na ang mga may kinalaman sa mga cryptocurrency. Ito ay bunsod ng paglobo ng presyo nito sa global market.
Sinabi ni CICC Executive Director Alexander Ramos na mayroong 14 na nabiktima ng mga naturang scams ang nagsampa ng mga reklamo sa kanilang tanggapan.
Ang mga biktima ay natangayan umano ng perang dineposito sa pamamagitan ng foreign account pagkatapos ay hindi na makontak ang mga nanloko sa kanila.
Karamihan sa mga scammers ay mga dayuhan kung saan nangangako sila ng mas mataas na kita kapag namuhunan sa crypto ang mga biktima.
Dahil sa palala nang palala ang investment scams sa bansa ay agad nang nanawagan ang CICC sa publiko na ireport sa kanilang tanggapan at iba pang law enforcement agency ang mga scammers.
Pinayuhan din ni Ramos ang publiko na huwag basta maniwala sa mga nag-aalok sa kanila ng investment bagkus ay mag-research muna hinggil sa iba’t ibang uri ng investment bago maglabas ng malaking pera para rito.
Para sa mga biktima ng investment scams at iba pang cybercrimes ay maaaring tumawag sa Inter-Agency Response na toll free hotline sa 1326 mula Lunes hanggang Linggo.

