Bumuhos ang luha ng ilang residente sa bayan ng Gapan at Nampicuan dahil sa galak sa kanilang natanggap na libreng bigas mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Ang ipinamahaging bigas ay nagmula pa rin sa Rice Distribution Program ng Kapitolyo sa ilalim ng pamumuno nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali.
Naiyak na lamang ang ilang residente dahil sa hirap umano ng buhay at mataas na presyo ng mga bilihin ay isang buwan silang makakatipid sa pambili ng bigas dahil sa natanggap na ayuda.
Sa kasalukuyan kasi ay pumapalo pa rin sa kulang P60 per kilo ang presyo ng bigas sa pamilihan, pero dahil sa ayuda kaya naman ang perang pambili sana nito ay ilalaan na lang nila sa ibang gastusin.
Nagpaabot ng pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ang mga residente, dahil kahit wala ng pandemya ay patuloy pa rin ang kanilang pamamahagi ng sako-sakong bigas.

