MGA NAGLINIS NG KANAL SA ZARAGOZA, TUMANGGAP NG FOODPACKS KAPALIT MULA SA DSWD

Mahigit 1,300 katao mula sa bayan ng Zaragoza ang nabigyan ng foodpacks sa ilalim ng programang Food for Work ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Sa nasabing programa, tinanggap ng mga benepisyaryo ang foodpacks na naglalaman ng anim na kilong bigas, sampung piraso ng delata, at sampung ready-to-drink na kape at tsokolate.

Ayon kay Aljon Saragpon, Social Welfare Officer II ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), kabuuang 1,315 na benepisyaryo mula sa iba’t-ibang barangay ang nakatanggap ng ayuda kapalit ng anim na araw na community service, gaya ng paglilinis ng drainage at kanal bilang paghahanda sa tag-ulan.

Dagdag pa ng mga opisyal, ang pagpili sa mga benepisyaryo ay dumaan sa maayos na proseso sa tulong ng mga barangay coordinators na katuwang ng Kapitolyo, at sila ang nagbigay ng listahan ng mga kwalipikado at higit na nangangailangan ng tulong.

Ayon kay Zaragoza Vice Mayor Edwin Buendia, labis ang kanilang pasasalamat dahil malaking tulong ang programa sa kanilang mga kababayan.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang PSWDO sa DSWD Regional Office sa kanilang patuloy na pagsuporta sa mga programa ng Lalawigan ng Nueva Ecija.

Kabilang sa mga benepisyaryo si Feliciana Sebastian mula sa Barangay Macarse, na nagsabing malaking tulong ang natanggap nila lalo na’t siya ay senior citizen na at may sakit ang kanyang asawa.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Ireneo Canta, isang magsasaka, na nakatanggap din ng foodpacks na aniya’y malaking ginhawa sa kanilang pamilya dahil sa mababang kita sa pagbebenta ng palay.