MGA NATALONG BARANGAY OFFICIAL NA HINDI MAGLILIPAT NG MAAYOS NG MGA KAGAMITAN, DOKUMENTO NG BARANGAY, PWEDENG KASUHAN
Maaari umanong kasuhan ang mga natalo sa eleksyon o mga dating barangay officials na hindi magtu-turn-over o maglilipat ng maayos ng mga pagmamay-ari ng barangay sa mga bagong kapitan.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Provincial Director Atty. Ofelio A. Tactac Jr., ang mga bagong halal na opisyal na nanalo sa nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Election ang may karapatan na sa mga public property ng barangay tulad ng gym, barangay hall, at health center at hindi na ang mga natalong opisyal.
Gayundin ang mga barangay service at mga gamit sa loob ng barangay hall gaya ng cellphones, computers, printers, mesa at silya ay pamamahalaan na rin ng new elected barangay captain.
Kung sakali naman aniyang hindi maibalik ng tama ang mga ari-arian o pondo ng barangay ay pwedeng kasuhan ang dating opisyal ng malversation of public properties or funds. Base sa Article 217 ng Revised Penal Code, ang malversation ay ang paglustay ng pondo o ari-arian ng publiko na ginamit sa sariling kapakanan.
Kung may mga dokumento o papeles namang nawala ay pwedeng sampahan ng infidelity in the custody of documents ang barangay official na nakawala nito.
Matatandaan na sa Brgy. Calawagan, Cabanatuan City, naging isyu ang pahayag ni ex-Kapitan Joey Tucay na higit dalawampung taong nanungkulan sa isang interview na hindi niya umano ipagagamit ang barangay hall sa nakalaban nito at nanalong si Kapitan Reynaldo ‘Jerry’ Ramos.
Kahapon, November 16, 2023, pormal nang naupo ang bagong halal na kapitan na si Ramos.
Kwento ni Kapitan Ramos, hindi naging maayos ang pag-turn over sa kanya ng secretary at treasurer ng mga kagamitan at pasilidad ng Barangay Calawagan.
Dahil dito nanawagan naman si Kapitan Ramos ng suporta kay Governor Aurelio “Oyie” Umali na matulungan sila na makapag-umpisang muli para mapagsilbihan ng maayos ang kanyang mga nasasakupan.

