MGA NETIZENS, NAGPAHAYAG NG SIMPATYA PARA SA MGA AETA NG MT. PINATUBO
Kasunod ng pagkalat ng video ng isang myembro ng Indigenous People and Local Community ng Mt. Pinatubo, maraming turista at netizens ang nagpahayag ng kanilang simpatya at suporta sa ipinaglalaban ng mga Aeta.
Isa sa mga naging viral na komento ay mula kay Vaneza Dy Galileo, na nagsabing ang mga lupang ninuno ng mga Aeta ay hindi dapat tratuhin bilang simpleng atraksyon o produkto ng turismo. Giit niya, mahalaga ang seryosong pag-uusap tungkol sa balanse sa pagitan ng turismo, kalikasan, at paggalang sa mga katutubong komunidad. Aniya, ang hindi paggalang sa karapatan ng mga Aeta ay hindi tunay na turismo, kundi isang anyo ng pagsasamantala.
Noong Abril 18, 2025, pansamantalang naantala ang trekking sa Mt. Pinatubo matapos harangin ng mga Aeta ang daan sa bahagi ng Capas, Tarlac. Ginawa nila ito bilang kilos-protesta laban sa komersyal na turismo na isinasagawa sa kanilang ancestral land. Ayon sa kanila, wala silang natatanggap na benepisyo mula sa mga aktibidad, kahit pa ang lupang tinatahak ng mga turista ay bahagi ng kanilang tahanan at kultura.
Sa isang pahayag mula sa Capas Municipal Tourism Office, sinabi ni Municipal Tourism Officer Paul L. Alata na ipinagpatuloy na ang trekking simula Abril 19. Tiniyak niyang hindi nila layong ipagkait sa publiko ang karanasang makita ang ganda ng Mt. Pinatubo, lalo na ngayong panahon ng bakasyon. Dagdag niya, pinapalakas na rin nila ang koordinasyon at seguridad sa tulong ng PNP at Philippine Air Force upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan sa lugar.
Gayunpaman, hanggang ngayon ay wala pa ring matibay na aksyon o malinaw na tugon mula sa Tourism Office at LGU hinggil sa mga hinaing ng mga Aeta kaya bukas pa rin ang Mt. Pinatubo sa mga turista, habang umaasa ang publiko sa isang makabuluhang pag-uusap para sa kapakanan ng katutubong komunidad.

