MGA OFW, KANILANG PAMILYA, MAGKAKAROON NG CANCER CARE CENTER SA PAMPANGA

Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang “Bagong Pilipinas Cancer Care Center” sa OFW Hospital sa Pampanga, bilang tugon sa datos ng Philippine Statistics Authority na nagpapakita na ang kanser ang pangalawang nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa mula Enero hanggang Mayo ngayong taon.

Ang bagong pasilidad ay itatayo sa ikalawang palapag ng OFW Hospital at magbibigay ng chemotherapy, diagnostic services, at surgical oncology.

Nakatakdang simulan sa January 2025 ang konstruksyon nito at inaasahang matatapos sa November 2025, at magiging operasyonal sa unang bahagi ng 2026.

Ayon kay Pangulong Marcos, mahalaga ang proyekto para sa mga OFWs at sa kanilang pamilya, dahil makakatulong ito sa pagtugon sa limitadong kapasidad ng naturang ospital.

Binigyang-diin din niya na ang Cancer Care Center ay simbolo ng malasakit ng gobyerno sa kalusugan ng mga Pilipino.

Sa kanyang talumpati, pinuri rin ng Pangulo ang yumaong kalihim ng Department of Migrant Workers na si Susan Ople at ang kanyang dedikasyon sa kapakanan ng mga OFW, na aniya’y isa sa naging inspirasyon para sa proyekto.