MGA OSPITAL NA NAG-AALOK NG ‘ZERO BALANCE BILLING’ NG PHILHEALTH, IPAALAM SA PUBLIKO
Nanawagan si Senador Bam Aquino sa Department of Health (DOH) na ipaalam sa publiko ang mga ospital na nag-aalok ng Zero Balance Billing (ZBB) ng PhilHealth upang matiyak na ang bawat Pilipino ay may access sa libreng serbisyong medikal.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, sinabi ni Aquino kay Health Secretary Teodoro Herbosa na dapat agad ilathala ng DOH ang listahan ng mga ospital na may ZBB coverage at gumawa ng malinaw na gabay kung paano ito maa-avail ng publiko.
Binigyang-diin ng senador na hindi makatarungan ang kasalukuyang sistema kung saan ang mga pasyente ay kailangang lumipat-lipat ng ospital o pumila sa opisina ng mga mambabatas para lang humingi ng tulong pinansyal.
Iminungkahi rin niya na ipaliwanag agad ng mga ospital sa mga pasyente ang kanilang mga opsyon bago pa lumaki ang hospital bill.
Dagdag pa ni Aquino, hindi sapat ang kasalukuyang limitasyon ng benefit packages na P27,000 o P34,000 lamang, at dapat ay may tiyak na porsyento ng bill na sasagutin ng PhilHealth para sa bawat pasyente.
Bilang karagdagan, iminungkahi niyang gumawa ang DOH ng real-time online tracker upang makita ng publiko at ng mga policymaker ang bilang ng ZBB beds sa mga pampublikong ospital.
Nagpahayag naman ng suporta si Secretary Herbosa sa mga rekomendasyon ng senador, at tiniyak na ito ay tugma sa layunin ng DOH na palakasin pa ang Universal Healthcare Program ng bansa.

