MGA PAGSUBOK, NAPAGTAGUMPAYAN NG MAGNA CUM LAUDE NG NEUST
Bago nakamtan ang mga karangalang kanyang nakamit, dumaan muna sa pagsubok, pagkabigo, at muntik mawalan ng pag-asa, si Franclen Alcazar Adrineda, taga Cabanatuan City, na nagtapos bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST), Batch Cairo, noong June 18, 2025.
Sa mata ng marami, isa siyang huwarang estudyante, pinarangalan siya ng Global Citizenship Award, International Research Publication recognition, at Leadership Awards sa tatlong sunod-sunod na taon.
Ilan lang ito sa mahigit sampung parangal at posisyong nakuha niya sa loob ng unibersidad, ngunit sa likod ng tagumpay na ito, may kwento ng pagkadapa, pagkaligaw, at muling pagbangon.
Pagbabahagi ni Franclen sa kanyang Facebook post, mula sa pagiging salutatorian, unti-unti siyang lumubog sa rankings, nawalan ng sigla, pinanghinaan ng loob, at sa kalaunan ay tuluyang nawala ang tiwala sa sarili.
Sa panibagong yugto ng kanyang buhay bilang Senior High student sa Baguio, hindi lang hamon ng akademya ang hinarap niya, kundi pati ang mga personal na labang bumago sa kanyang direksyon tulad ng bisyo kagaya ng sigarilyo at alak, at pagkawala ng layunin.
Pero sa isang simpleng “Yes” mula sa NEUST, bumukas muli ang pinto ng pag-asa.
Muling umangat si Franclen, nagsimula sa pagiging class president, hanggang sa pagiging Vice President ng Research Society of Hospitality and Tourism Management, at Vice President for Internal Affairs ng NEUST Honor Society.
Sa bawat taon ng kanyang panunungkulan, lalong tumibay ang kanyang paninindigan at muling nabuo ang pagkatao.
Hindi naging madali ang daan, ngunit natagpuan niya ang kanyang tinig, ang kanyang layunin, at ang mga taong nanatili sa kanya — gaya ni Francis at ng mga kaibigan niyang naging sandalan na sa bawat pagkadapa, may kamay na bumabangon sa kanya at higit sa lahat, nariyan ang kanyang pamilya.
Aniya, kung ano man ang nakamit niya ngayon o titulong nakuha, ang lahat ay dahil sa kanyang mga magulang na sina Belen Adrineda at Francisco Adrineda.
Para kay Franclen, ang kanyang pagtatapos bilang Magna Cum Laude ay hindi lamang tagumpay sa akademya — ito ay kwento ng redemption, ng paghilom, at ng pag-angat mula sa pinakamababang punto ng buhay.
Isa siyang paalala na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa perpektong record, kundi sa lakas ng loob na bumangon at magsimulang muli.

