Tapos na ang itinakdang deadline noong April 30, 2024 sa mga pampasaherong jeepney para sa consolidation ng modern jeep na ipinapatupad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Pero hindi muna umano manghuhuli ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga pampasaherong jeep na hindi nag-consolidate sa itinakdang deadline ng ahensya.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na padadalhan muna ng LTFRB ng notice o show cause order ang mga operator ng jeep upang maipaliwanag kung bakit hindi maaaring tanggalin ang kanilang franchise.
Anya, makaraan ang 15 araw ay saka lamang hihingin ng LTFRB ang tulong ng LTO at PNP para magsimula ng paghuli sa mga hindi consolidated PUVs.
Dagdag pa ni Guadiz hindi puwede pumasada ang mga hindi nag consolidate dahil lumalabas na sila ay colorum vehicles mula May 1 kaya sa second week start na ng apprehension dahil ngayong first week mabilis naman magpadala ng notice sa mga hindi nag-consolidate.
Nilinaw din nito na ang consolidation ay first phase pa lamang ng PUV Modernization.
Samantala, itinuloy naman ng Manibela ang kanilang protesta sa ilang lugar, kasabay ng panawagan na tugunan sana ng gobyerno ang tunay na suliranin ng mga drivers at operators at hindi ang pamimilit na sila ay sumailalim sa consolidation program.
Sa panig ng pamahalaan, nanindigan ang LTFRB na wala nang mababago sa kanilang paghihigpit, lalo’t ilang ulit nang iniurong ang deadline.

