MGA PASYENTENG MATAGAL NANG NAGTIIS SA SAKIT, NATULUNGAN NG LIBRENG OPERASYON NG KAPITOLYO SA SAN JOSE CITY GENERAL HOSPITAL

Sa muling paglulunsad ng Surgical Caravan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO), 29 patients ang matagumpay na naoperahan sa San Jose City General Hospital.

Dalawa sa mga pasyente ang sumailalim sa major, habang 27 naman sa minor operation.

Layunin ng programang ito ng Kapitolyo sa ilalim ng pamumuno nina Governor Oyie Umali at Vice Governor Lemon Umali na maihatid ang libreng serbisyong medikal sa mga Novo Ecijano, lalo na sa mga kapos sa pinansyal na kakayahan.

Bago ang operasyon, sumailalim muna sa screening ang mga pasyente at marami sa kanila ay matagal na umanong naghihintay ng pagkakataong makapagpagamot nang libre.

Isa sa mga natulungan si Mary Ann Sodario, na apat na taon nang tinitiis ang matinding pananakit sa tagiliran dahil sa gallstone.

Ayon sa kanya, umaabot sa P120,000 ang halaga ng operasyon sa pribadong ospital, kaya’t malaking tulong ang libreng operasyon mula sa Kapitolyo.

Isa rin sa mga pasyente si Rommel Laureta, na dalawang taon nang may cyst sa likod.

Labis ang kanyang pasasalamat dahil sa programang ito ay tuluyan na siyang gagaling at makakabalik sa trabaho nang walang iniindang sakit.

Kasunod ng San Jose City General Hospital, tutuloy naman ang Surgical Caravan sa iba pang ospital sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan.