MGA PINOY NA NAKARANAS NG GUTOM NGAYONG MARSO, LUMOBO SA 27.2 %- SWS

Umakyat sa 27.2 percent ang bilang ng mga Pilipinong nakaranas ng gutom ngayong buwan ng Marso mula nang ipatupad ang lockdown noong 2020.

Base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS, mas tumaas ito kumpara sa 25.9 percent noong December 2024.

Ito umano ang pinakamataas simula nang maitala ang record high na 30.7 percent noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic at mas mataas din ito ng 7 percent kumpara sa 2024 average na 20.2 percent.

Ayon sa survey, 21% ng respondents ang nagsabing dumanas sila ng moderate hunger at 6.2% naman ang dumanas ng severe hunger.

Ang moderate ­hunger ay yaong mga taong dumaranas ng minsang pagkagutom sa nagdaang tatlong buwan samantalang ang severe hunger ay mga yaong laging dumaranas ng gutom.

Pag-aaralan naman umano ng pamahalaan ang inilabas na survey ng SWS dahil marami ng mga programa ang gobyerno na tumutugon at tumutulong sa mga pinakamahihirap na Pilipino upang maitawid ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Isinagawa ang survey noong March 15 hanggang March 20 sa 1,800 rehistradong botante na may margin of error na ±2.31% para sa pambansang datos.