MGA PULIS SA BATAAN, NAGSAGAWA NG SEABORNE PATROL KONTRA ILLEGAL FISHING

Patuloy na pinaiigting ng mga kapulisan ang seguridad hindi lang sa lupa, kundi pati sa karagatan.

Noong August 20, 2025 nagsagawa ang Pilar Municipal Police Station (MPS) ng seaborne patrolling sa karagatang sakop ng Pilar, Bataan.

Ayon sa press release ng Pilar MPS, layunin ng operasyon na sugpuin ang illegal fishing, protektahan ang kabuhayan ng mga mangingisda, at pangalagaan ang kalikasan.

Ang illegal fishing ay nakakasira ng tirahan ng mga isda at nagdudulot ng malaking pinsala sa yamang-dagat, na maaaring magresulta sa pagbaba ng huli at kita ng mga mangingisda.

Kaya matatandaan na noong October 2021, lumagda ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) at Philippine National Police-Maritime Group (PNP-MG) sa isang Memorandum of Understanding (MOU) upang palakasin ang laban kontra illegal fishing.

Nakapaloob sa kasunduan na papayagang magsakay ng PNP personnel bilang “shiprider” sa mga barko ng BFAR para magsagawa ng joint seaborne patrol.

Layunin nitong maiwasan at matigil ang illegal fishing at maprotektahan ang yamang-dagat laban sa labis na pangingisda, para sa kapakinabangan hindi lamang ng mga mangingisda sa ngayon, kundi para rin sa mga susunod pang henerasyon.