Hindi biro para sa maraming pamilya ang buwanang singil sa kuryente na umaabot ng apat hanggang anim na libong piso.
Kaya nang malaman ang panukalang batas na alisin ang VAT sa kuryente, agad itong nagbigay pag-asa sa katulad ni Lea.
Para kay Leah, hindi lang bayarin sa kuryente ang giginhawa kundi pati na rin ang pang-araw-araw na gastusin ng pamilya.
Ganito rin ang nararamdaman ni Kuya Amang, na buwan-buwang umaabot sa apat na libong piso ang bill sa kuryente.
Samantala, suportado ng mga malalaking negosyante at labor groups ang panukalang batas na nagtatanggal ng Value Added Tax sa kuryente.
Ayon sa mga nasabing grupo, makakatulong ito para maibsan ang financial pressure sa mga kabahayan at mapalakas ang industrial competitiveness ng bansa.
Sa pinagsamang pahayag ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Philippine Exporters Confederation, at Trade Union Congress of the Philippines, hinikayat nila ang mga mambabatas na ipasa na ang House Bill 6740, na inihain ni TUCP Partylist Representative Raymond Mendoza.
Sinabi pa ni Mendoza na ang mataas na singil sa kuryente ay matagal nang pasanin ng mga Pilipino at nagiging hadlang sa produktibidad ng mga negosyo.

