MGA SOBRA SA PAGBANAT SA KALABAN NGAYONG ELEKSYON, PWEDE UMANONG KASUHAN NG LIBEL
Inihayag ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia na pinapayagan ang paggamit ng negatibong pangangampanya laban sa mga kandidato ngunit maaari pa ring humarap sa kasong libel at cyberlibel kapag sumobra sa pagbanat.
Nakasaad sa Section 79 ng Omnibus Election Code na tumutukoy ang election campaign sa anumang kilos na may layuning itaguyod o pigilan ang pagkakapanalo ng partikuar na kandidato.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng talumpati, pagbibigay ng anunsiyo o komentaryo at panayam na pabor o laban sa sinumang kandidato.
Pinayuhan naman ni Garcia ang mga kandidato na iwasan ang mga ganitong negatibong pahayag sa kanilang political rallies dahil hindi ito ang tamang platforms para rito. Giit niya na panatilihin pa rin ang respeto sa kanilang pangangampanya.
Kaugnay nito, nilinaw ni Garcia na walang kapangyarihan ang komisyon na habulin ang mga taga-suporta ng mga kandidatong may malisyosong pahayag o public pronouncements katulad na lamang ng kamakailang nangyari na palitan ng mga tirada ni Former President Rodrigo Duterte at President Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, bahagi lamang ito ng freedom of expression subalit posible pa ring maharap sa kasong libel o cyberlibel at maaari ring imbestigahan ng ibang ahensiya ng gobyerno ang mga binitawang salita.

