Apektado ngayon ng pag-atake ng armyworms ang mga magsasaka sa Central Luzon partikular na sa probinsya ng Tarlac at Nueva Ecija.

Kabilang sa mga apektado ang mga bayan ng Bongabon, Talavera, at Palayan City sa Nueva Ecija, at Anao at San Manuel naman sa Tarlac.

Ayon kay Nueva Ecija Onion Growers Association board member Jimmy Vistar, 40% ng mga magsasaka ang naapektuhan sa Occidental Mindoro at Tarlac, habang 30% naman sa Nueva Ecija at Pangasinan.

Maliban sa infestation ay isa rin umano sa kinakaharap na problema ng mga onion growers, ay ang mababang farm gate price ng sibuyas sa merkado na naglalaro lamang sa sampu hanggang kinse pesos kada kilo.

Samantala, paliwanag ni DA Regional Field Office III Bureau of Plant Industry director Gerald Glenn Panganiban, umabot sa 366 hectares sa higit 10,200 hectares na taniman ng sibuyas ang apektado ng armyworms.

Ngunit tanging ang 6.9 hectares lamang umano ang nasira, habang ang 359.1 hectares naman ang nagkaroon ng bahagyang pinsala.